Pumirma ng memorandum of understanding ang Department of Tourism at Department of Migrant Workers para bumuo ng mga trabaho sa mga Overseas Filipino Workers o OFW na uuwi na ng Pilipinas at hindi na muli mangingibang-bansa.
Pinagkasunduan ng dalawang kagawaran ang programang Balik Bayani sa Turismo kung saan may iaalok ang gobyerno sa mga OFW na trabaho sa industriya ng turismo gaya ng culinary tourism, farm tourism, homestay operations at tour guiding. Magkakaroon din ng libreng tourism-related skills development at enhancement trainings.
Ang dalawang kagawaran ay nakikipagtulungan din sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA para makapagbigay ng scholarship sa mga kwalipikadong OFW at pamilya nito na gustong magtrabaho sa larangan ng turismo.
Inaasahang palalakasin ng Balik Bayani sa Turismo program ang relasyon ng national government at local government unit sa pagsuporta sa mga OFW habang isinusulong ang lokal na turismo ng bansa.