Nakipagpulong si Department of Tourism (DOT) secretary Christina Frasco kay Bohol Governor Erico Aristotle Aumentado kaugnay sa kontrobersiyal na pagtatayo ng resort sa iconic na Chocolate hills.
Sa naturang pagpupulong na ginanap sa sidelines ng Pacific Asia Travel Association (PATA) International Conference on Women in Travel, sinabi ni Sec. Frasco na nais ng DOT na matiyak na mapapanatili ang turismo sa Bohol.
Saad pa ng kalihim na may kaakibat na responsibilidad ng pagtitiyak na mapapanatili at mapapangalagaan ang naturang tourist destination na pinagpala ng nakakamangha, mayaman at magandang likas na yaman.
Sinabi din ni Sec. Frasco na umaasa ang kanilang ahensiya na magiging bahagi ito ng Protected Area Management Board (PAMB) upang makagawa ng mga rekomendasyon sa pagpreserba at pagpapanatili ng maunlad na turismo sa mga protected area sa ating bansa.
Sa parte naman ng Gobernador, sinabi nitong gagawa ang lokal na pamahalaan ng bagong komite na siyang tututok at mag-aaral sa mga guideline sa mga usapin kaugnay sa investments at mga inisyatibo upang hindi mapinsala ang kalikasan.