Nagkasundo ang Department of Tourism (DOT) at Tourism Promotions Board na huwag nang maningil ng participation fees para sa pagdaraos ng international fairs, exhibits, missions, at roadshows.
Ito ay bahagi pa rin daw ng patuloy na suporta ng DOT sa partners at stakeholders sa gitna ng krisis sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa liham na ipinadala ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat sa Tourism Congress of the Philippines (TCP), sinabi nitong epektibo ang pag-alis sa participation fees ngayong taon at sa 2021.
Magpapatupad din ng moratorium ang ahensya sa pangongolekta ng accreditation fees sa mga bagong aplikante at magre-renew sa Tourism Enterprises at Tourism-Related Enterprises ngayong 2020.
Siniguro ni Puyat, patuloy nilang pag-aaralan ang mga rekomendasyon ng TCP upang mabawasan ang epekto ng COVID-19 sa tourism industry.
Kasabay nito, nagpasalamat ang kalihim sa suporta ng tourism stakeholders sa panahong sinusugpo ang pagkalat ng virus sa bansa.