Ang Department of Tourism (DOT) ay nanalo ngayong taon bilang kampeon sa Freedom of Information (FOI) Award.
Ipinagkaloob ito ng Presidential Communications Office (PCO) sa awarding ceremony na ginanap sa Pasay City.
Nanalo rin si DOT head of records and communication section Maricel Malalad bilang pinakamahusay na opisyal ng pagtanggap ng FOI. Ang parangal ay isang pagpapatibay ng pangako ng departamento ng turismo na itaguyod ang transparency at ang Freedom of Information (FOI).
Nagpapasalamat naman ang ahensya, partikular na si Sec. Christina Garcia-Frasco kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kaniyang suporta para sa turismo, kung saan sa pangunguna ng kanyang hangarin tungo sa inklusibong pamamahala sa turismo, naabot umano ang pinakamaraming sektor at nakipag-ugnayan sa publiko at pribadong sektor sa pagrepaso at pagrerebisa ng mga patakaran, at pagpapatupad ng mga landmark na programa na tumutugon sa pangangailangan ng publiko.
Nagpapasalamat din sila sa presidential communications office at sa 2023 FOI award screening committee para sa masigasig na pagsisikap sa proseso ng deliberasyon.
Ang taunang FOI awards ay inorganisa ng Freedom of Information-Program Management Ofice (FOI-PMO) na nagpaparangal sa mga pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno sa buong executive branch, gayundin ng mga institutional partners, indibidwal, at civil society organizations na makabuluhang nag-ambag sa pag-unlad at tagumpay ng pagpapatupad ng FOI program, gayundin sa mga nagpakita ng natatanging gawain sa kalayaan ng impormasyon.