Kumpiyansa si Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na muling makakabawi ang sektor ng turismo mula sa naging epekto ng pandemya dito sa Pilipinas.
Sa isang panayam ay sinabi ng kalihim na tanging ang muling pagbubukas na lamang ng PH borders ang hinihintay ng mga turista at ang muling pagbubukas nito ngayon para sa mga dayuhan ay nangangahulugan ng muling pagbabalik nito sa normal noong bago pa man tamaan ng pandemya ang bansa.
Ibinida din ng opisyal ang maraming turistang bumibisita sa bansa, kung saan ay nakapagtala ang kagawaran ng nasa kabuuang 10,676 na mga tourist kahapon, Pebrero 15, 45% aniya sa mga ito ay mga balikbayan.
Ayon kay Puyat, karamihan sa mga turistang dumadating sa bansa ay mula pa sa mga bansang United States, Canada, Australia, United Kingdom, South Korea, Germany, at Japan.
Ilan sa mga pangunahing dahilan ng mga ito ay ang muling makapiling ang kanilang mga mahl sa buhay, habang may iilan naman na gustong magpaabot ng tulong sa mga kababayan nating nabiktima ng pananalasa ng bagyong Odette.
Samantala, tiniyak din ng kalihim na tuluy-tuloy ang kanilang ipinapatupad na health and safety protocols mula nang simulan ito noong June 2020.
Nagpapatuloy din ang ibinibigay na discount sa RT-PCR tests para sa mga turista, pinoy man o banyaga.
Matatandaang noong Pebrero 10 muling binuksan ng pamahalaan ang bansa para sa international tourism kung saan ay hindi na kinakailangan pang sumailalim sa mandatory quarantine ang mga dayuhang turistang nakatanggap na ng kumpletong bakuna.