-- Advertisements --

Target ngayon ng Department of Tourism (DOT) na mapalakas pa ang lokal na turismo kasunod ng naitalang pagsadsad sa bilang ng foreign tourist arrivals noong nakalipas na taon.

Ayon kay Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, nakapagtala lamang ang Pilipinas ng mahigit 1.3-milyong foreign tourist arrivals noong 2020, na 83.97% mas mababa kumpara noong 2019.

Dahil dito, pumalo lamang sa P81.4-bilyon ang kabuuang kita na nakuha ng bansa mula sa inbound tourism mula Enero hanggang Disyembre ng taong 2020.

Paliwanag pa ng kalihim, nakasalalay pa rin sa mga local government units kung kanila nang bubuksan ang mga tourism destinations.

Ngunit kailangan naman aniya ng mas streamlined na travel ptorocols upang mahikayat ang mga local tourists.

“Together with the Tourism Promotions Board, we will spearhead product diversification and enhancement activities with the regions and LGUs,” wika ni Puyat.

“Recalibration of targets and refocusing to domestic tourism in the short term will be carried out.”

Samantala, inihayag ni Puyat na kinakailangang magkaroon umano ng mas pinalakas na entry protocols kasunod ng banta ng bagong COVID-19 variant.

Kabilang na raw dito ang “continued development” ng health at safety protocols ng mga nag-o-operate na tourism enterprises.

“Activities will be prioritized to ensure the well-being of visitors and workers as well as help improve the readiness of destinations to reopen for business,” anang kalihim.