KALIBO, Aklan – Muling magpupulong sa Lunes ang Provincial Inter-Agency Task Force on COVID-19 upang alamin ang iba pang kinakailangan sa pagbubukas ng operasyon ng turisma sa isla ng Boracay.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, nagbabala umano ang Department of Tourism (DOT) na papatawan ng penalidad at mahaharap sa administrative sanctions tulad ng pagbawi ng kanilang accreditation o business permit ang sinumang magnanais na magbalik operasyon lalo na ang mga hotels at resort na walang kaukulang Certificate of Authority to Operate.
Wala umanong bayad ang application sa nasabing requirements, kung saan, kailangan lamang na magsumite sa regional office ng letter of intent to operate.
Habang ang mga non-DOT-accredited establishments ay dapat na mag-apply para sa accreditation.
Nakikipag-ugnayan na umano sila sa DoT-6 para sa assessment ukol sa pagiging handa ng kanilang lugar sa pagbabalik ng tourism activities.
Hiling nito sa mga stakeholders na mahigpit na sundin ang guidelines ng Inter-Agency Task Force sa muling pagbubukas ng kanilang negosyo.