-- Advertisements --

Muling tiniyak ni Department of Tourism (DoT) Secretary Christina Garcia-Frasco ang kanyang suporta sa pagpapanumbalik ng mga makasaysayang lugar sa bansa, kabilang na dito ang Manila Post Office.

Sa pamamagitan ng kaakibat nitong ahensya na Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (Tieza), ang DoT ay naglaan ng P15 milyon para sa Detailed Architectural and Engineering Studies (DAES) para sa conservation evaluation at pre-restoration work ng Manila Central Post Office (MCPO) building, na kung saan ay napinsala ng napakalaking sunog noong Mayo 22, 2023.

Gumagawa na ng mga hakbang ang naturang departamento sa pamamahala ng Manila Central Post Office, at ng National Commission for Culture and the Arts upang matiyak ang maayos at masusing pagpapanumbalik ng landmark ng Maynila.

Ayon kay Frasco, ang rehabilitasyon ay nagbibigay ng mga pagkakataon para sa pagbabagong-anyo upang makinabang sa pagtataguyod ng kultura, sining, at kasaysayan.

Dagdag pa ng opisyal na ito ay maaaring lumikha ng karagdagang mga pagkakataon para sa kabuhayan para sa ating mga Pilipino.

Gayundin na mapanumbalik na puntahan ng mga Pinoy at makatulong sa turismo ng ating bansa.

Binigyang-diin ni Frasco na ang paglalaan ng pondo ng pamahalaan para sa pagtatasa ng konserbasyon at gawaing pre-restoration sa central post office ng bansa ay isang napapanahon at kinakailangang hakbang na maisaayos muli ang naturang gusali.