KALIBO, Aklan — Suportado ng Department of Tourism (DOT) ang pagpapasara sa isang establisyemento sa isla ng Boracay na pinaniniwalaang nagsagawa ng Halloween party na sinasabing lumabag sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) health protocols noong Oktubre 31.
Nauna nang kinondena ng DoT ang itinuturing nitong iresponsableng pagtitipon sa Casa de Arte sa Sitio Cagban, Barangay Manoc-Manoc.
Napag-alaman sa kontrobersiyal na video na hindi sumusunod sa physical distancing at walang suot na facemask ang partygoers.
Kung maaalala, noong Oktubre 1 ay binuksan ang isla sa local tourism.
Kaugnay nito, napag-alaman na ang nasabing establisyemento ay walang kaukulang business permit at iba pang clearances.
Ayon kay DoT Secretary Bernadette Romulo-Puyat na kinakailangan na masiguro ng lokal na pamahalaan ng Malay at mga negosyante na maging ligtas ang muling pagbubukas ng isla.