Nasa kamay na umano ng mga lokal na pamahalaan kung kanilang ire-require ang mga turista na sumailalim sa RT-PCR COVID-19 test bago payagang makapasok sa kani-kanilang mga lugar.
Ito ang binigyang-diin ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa nangyaring distribusyon ng cash assistance sa mga tourism workers sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Puyat, mga local government units na rin daw ang bahala kung anong klaseng RT-PCR test – kung saliva o swab – ang kanilang ire-require sa mga biyahero.
Inilahad din ng kalihim na may mga LGUs ang ayaw pang magbukas kahit na nasa modified general community quarantine (MGCQ) ang mga ito dahil hindi pa sila handang buksan ang kanilang lugar sa mga turista.
May ilan din namang LGUs ang gusto nang tumanggap muli ng mga turista at hindi na raw kailangan pang magpa-test bago bumiyahe.
Sinabi pa ni Puyat na may ilan pa ring mga destinasyon na nag-oobliga pa rin ng RT-PCR test, tulad ng Boracay; Bohol; El Nido, Coron, San Vicente, at Puerto Princesa sa Palawan; Ilocos Norte; Ilocos Sur; Pangasinan; La Union; Siargao; Siquijor; Dumaguete; at Iloilo.