Pinagana na ng Department of Tourism ang kanilang regional operations centers para magbantay sa mga tourist destinations ngayong panahon ng Holy Week.
Pahayag ito ng Malakanyang sa harap ng inaasahang pagbuhos ng mga turista ngayong Holy Week.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na layon ng hakbang na ito ng DOT na matiyak ang maayos na pangangasiwa sa mga tourist attraction at gawing kasiya-siya at ligtas ang karanasan ng mga turista.
Sinabi ni Castro, ang regional operations center ang magmo-monitor ng sitwasyon sa mga pasyalan at lugar-bakasyunan, at siyang makikipag-coordinate sa kaukulang mga ahensya kung mayroon mga concern na kailangang tugunan.
Batay sa pagtaya ng DOT aabot sa 30 milyon ang mga lokal at dayuhang turista sa Pilipinas ngayong Holy Week.
Kabilang sa mga kilalang destinasyon na inaasahang bibisitahin ng mga turista ang Cebu, Bohol, Boracay, Palawan, Siargao, Baguio, Batangas, Ilocos Norte at Sur, Pampanga, Pangasinan, Puerto Galera, Camiguin, Siquijor, Cagayan de Oro, Davao at maging ang Intramuros.
Samantala, ikinalugod din na ibinalita ng Palasyo na wala nang pila sa Immigration counters sa NAIA Terminal 3 kahit sa oras ng rush hour kaya magiging mas madali na ito sa mga umaalis o departing passengers.
Ipinag utos kasi ni PBBM na siguraduhin na maging maayos, ligtas at convenient ang biyahe ng mga pasahero ngayong Holy Week.
Dahil dito nagtulungan ang ang mga ahensiya ng Bureau of Immigration, MIAA, New NAIA Infrastructure Corp. at Department of Transportation para maibsan ang mahabang pila sa Immigration counters.
Epektibo kahapon lahat ng 44 Immigration counters sa NAIA Terminal 3 ay bukas para mapabilis ang Immigration processing ng mga pasaherong may mga biyahe.