Pinagtibay ng Department of Tourism (DOT) ang pagpapanagot sa Berjaya Makati Hotel sa naging paglabag nito sa ipinatutupad na health and safety protocols ng pamahalaan.
Nakasaad sa inilabas na Notice of Resolution ng kagawaran na pagmumultahin ang naturang hotel ng hanggang P13,200 dahil sa paglabag nito sa naturang protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Binawasan naman ang tatlong buwang pagkakasuspinde sa akreditasyon nito sa DOT na ngayon ay ginawang dalawang buwan na lamang dahil naman sa hindi nito pagsunod sa Republic Act No. 11332 o ang batas na pumo-protekta sa mga tao mula sa public threats sa pamamagitan ng efficient and effective disease surveillance of notifiable diseases.
Bukod dito ay pinagtibay din ahensya pagbawi sa approval sa pag o-operate nito bilang isang Multiple-Use Hotel.
Nakasaad kasi sa ilalim ng IATF Guidelines on Nationwide Implementation of Alert Level System for COVID-19 Response, Section 1 na tanging mga hotels o accomodation establishments na may valid DOT Accreditation lamang ang papayagang mag operate at tumanggap ng mga panauhin at kliyente na napapailalim sa mga alituntuning inilabas ng Kagawaran ng Turismo at ng IATF.
Samantala, ang pagpapatupad ng naturang Resolusyon ay agad nang epektibo at ipinapaubaya na ng DOT sa lokal na pamahalaan ng Makati ang paggawa ng kaukulang aksyon hinggil sa pagsususpinde sa business permit ng Berjaya Makati Hotel.
Kung maaalala, noong Enero 6, 2022 nang tuluyang ipasara ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Makati ang nasabing hotel matapos na suspindihin ng Department of Tourism ang akreditasyon nito dahil sa pagkakasangkot ito sa isyu ni “Poblacion Girl” na isang balikbayang Pilipina mula sa US na tumakas at hindi tinapos ang kanyang quarantine period upang dumalo lamang sa isang party.
Magugunita na sa kaparehong araw ay naglabas din ng statement ang pamunuan ng Berjaya Makati Hotel kung saan ay nagpahayag ito ng pag-apela at sinabing walang legal basis ang inilabas na closure order ng Makati City Hall na base naman sa suspension order ng DOT.