-- Advertisements --

Pinahintulutan na ng Department of Tourism (DOT) ang pagbabalik-operasyon ng nasa mahigit 7,200 hotels, resorts at accommodation establishments sa buong bansa.

Ayon kay DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat, sa Region 4A o CALABARZON pinakamaraming nabigyan ng Certificate of Authority to Operate (CAO) at provisional CAO sa bilang na 1,303; na sinundan ng Central Luzon, 830; at sa Region 1 o Ilocos Region, 806.

Paliwanag ng kalihim, sa pamamagitan ng CAO ay tiwala ang mga bisita na ang mga establisyemento ay sumailalim sa inspections at tumatalima sa protocols sang-ayon sa globally-recognized health and safety standards.

“Not only will a Certificate of Authority to Operate or a provisional CAO from DOT indicate the allowable operation of accommodation establishments, it likewise adds to guests’ confidence, knowing that these establishments have been inspected and are compliant with our protocols that follow globally-recognized health and safety standards,” wika ni Puyat.

“We are happy to see the numbers go up as more tourism destinations reopen for domestic travelers,” dagdag nito.

Nag-umpisa nang magbigay ang DOT ng CAOs sa mga establisyemento para sa akomodasyon ng umuuwing OFWs, balikbayan, essential workers, pati na rin mga foreign at domestic tourists.

Nagbukas na rin sa domestic tourism ang mga kilalang tourist destinations, gaya ng Boracay, Palawan, Baguio City, Ilocos Norte at Ilocos Sur.

Sinabi ni Puyat, layon nilang pasiglahin muli ang industriya ng turismo at patuloy silang magsasagawa ng inspeksyon sa mga establisyemento upang maihanda na ang mga ito sakaling tumanggap ulit ang bansa ng mga dayuhang turista.

“The DOT’s focus is to jumpstart domestic tourism first. We will continue our thorough inspection of the health and safety protocols in tourism establishments, so when non-essential travel among Filipinos and even inbound travel for leisure among foreign visitors are allowed, these will be ready,” ani Puyat.