Umani ng batikos ang maling lokasyon na inilagay sa poster ng Department of Tourism (DOT) sa tanyag na Banaue Rice Terraces na idinisplay sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 4.
Ito ay matapos mag-viral online ang ibinahaging mga larawan ng Archaeologist at professor ni Stephen Acabado sa kaniyang social media account kung saan makikita sa naturang poster na nagpo-promote sa rice terraces subalit ang nakalagay na lokasyon ay Benguet sa halip na sa Banaue, Ifugao.
Ang naturang poster ay materyal ng DOT para sa “Love the Philippines campaign” nito.
Kasunod ng insidente, agad ding tinanggal ang naturang poster dakong 7:39 pm nitong linggo.
Pabiro namang sinabi ni Acabado sa kaniyang post na naibalik na sa Ifugao ang Banaue Rice Terraces.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang DOT kaugnay sa pagkakamali sa kanilang poster.
Ang Banaue Rice Terraces o Hagdan-hagdang Palayan ng Banawe sa tagalog ay 2000 taong gulang na mga hagdanang-taniman na hinulma ng mga ninunong katutubo pa sa bulubundukin ng lalawigan ng Ifugao.
Ang Benguet na nakalagay sa poster ay ibang probinsiya subalit gaya ng Ifugao ay parehong nasa Cordillera Administrative Region (CAR).