-- Advertisements --

Inaasahang makukumpleto na sa loob ng dalawang buwan ang ipinapatayong mobile field hospital at drive-thru vaccination site sa Burnham Green sa Rizal Park.

luneta field hospital

Ayon sa Department of Tourism (DOT) ipapatayo sa Burnham green sa Rizal Rark ang Manila Mega Field hospital na maglalaan ng 336 beds para sa mga moderate at severe cases ng COVID-19 bilang augmentation sa bed capacity ng mga ospital habang ang drive-thru vaccination site naman ay ilalagay sa Independence road upang mapalakas pa ang immunization program ng Manila na inaasahang makapagbakuna ng 450 indibidwal kada araw.

Ayon kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, bukas para sa lahat ang naturang mobile field hospital at drive thru vaccination site kabilang ang mga non-resident ng Maynila.

Aprubado naman ni Puyat na gawing medical facilities ang marami pang tourism sites na makakatulong para masugpo ang kinakaharap na public health crisis.

Umaasa rin si Puyat na sa pamamagitan ng naturang inisyatibo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at Manila LGU ay mahikayat ang iba pang lokal na pamahalaan sa bansa na makipagtulungan sa national government.

Pormal ng nilagdaan ang memorandum of agreement ng DOT sa pamamagitan ng National Parks Development Committee (NPDC) at City of Manila para sa konstruksyon ng mga pasilidad na idinaos na virtual ceremony noong Miyerkules, April 21. (with reports from Bombo Everly Rico)