Target ng Department of Tourism na mapalawak pa ang hotel industry sa Pilipinas.
Ito ay para ma-accommodate ang tumataas na bilang ng mga bumibisita sa bansa at mapalakas pa ang posisyon ng Pilipinas bilang nangungunang travel destination.
Sa ikalawang Annual Philippines Hotel Industry Summit, sinabi ni DOT Secretary Christina Frasco na bagamat nananatiling mas mababa ang visitor arrivals sa bansa kumpara sa ilang karatig na bansa sa ASEAN, steady naman umano ang pagbuhos ng mga turista na nagpalakas sa mga lokal na negosyo at hotel accommodation.
Para naman matugunan ang lumalaking demand para sa accommodation, inilunsad ng DOT sa pakikipag-partner sa Philippine Hotel Owners Association ang Philippine Hotel Industry Strategic Action Plan 2023-2028.
Layunin aniya ng roadmap na ito na makapag-attract ng direct investments lalo na sa mga bagong destinasyon sa bansa at pagpapatayo ng mahigit 120,000 na bagong room keys para matugunan ang demand ng nasa 456,000 visitors pagsapit ng 2028.