Tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na handa silang umayuda sa pagbangon ng mga tourism establishments na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal sa oras na kumalma na ang sitwasyon.
Ayon kay DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat, patuloy ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno, partikular sa National Economic and Development Authority, na siyang namamahala sa recovery program.
“First, when it comes to promotions, we’re ready. But in terms of projects, we will be coordinating with the NEDA (National Economic and Development Authority), sila ‘yong nagpapatawag for the recovery,” wika ni Puyat.
Nakatutok din aniya ang pamahalaan sa pagtulong sa mga residenteng napilitang lumikas mula sa kanilang mga kabahayan sa Batangas at Cavite mula nang pumutok ang bulkan noong nakaraang linggo.
“Now, maybe it’s too early but we are, from day one, we’ve already been coordinating with the NEDA. We have committed already depending on what they think is the need but it has to be coordinated with the NEDA,” anang kalihim.
Samantala, muling nanawagan ang kalihim sa mga negosyo na sumunod sa abiso ng PHIVOLCS lalo pa’t wala sa mandato ng DOT ang pagpapasara sa mga tourism establishments.
“Again, we came up with the statement that the safety of the workers and the tourists are more important than the numbers. Of course, in Tagaytay, tourism is the main occupation, but for us, we will always follow the guidance of Phivolcs,” ani Puyat.
“Always follow Phivolcs and of course they are always guided by DILG (Department of the Interior and Local Government),” dagdag nito.