-- Advertisements --

Umaasa si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na magbubukas ulit ang turismo ng bansa para sa mga banyaga ngayong taon, lalo na sa mga nabakunahan na kontra coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Puyat, bagama’t wala pang malinaw na timeline, nais nilang magkaroon na ng foreign arrivals ngayong taon kasunod ng pagpayag ng pamahalaan na papasukin na ang mga bibisitang overseas Filipino workers (OFWs) ngayong buwan sa kabila ng banta ng UK variant.

“It is hard to give a timeline but protocols are always changing. We are hoping by this year, especially with those vaccinated, we will be able to open up to other countries and not only confined to balikbayans,” wika ni Puyat.

Bagama’t hindi pa nagpapasya ang gobyerno kung papayagan na ang mga dayuhan sa bansa, inihayag ng kalihim na mas lalakas pa ang domestic tourism kung isasailalim na ang bansa sa modified general community quarantine (MGCQ).

“Under MGCQ, tourism is already allowed. We are grateful that some tourism sites and establishments have been allowed to operate under GCQ but at least in MGCQ, it is freer — tourism can just be opened for everybody,” paliwanag ni Puyat.

Binigyang-diin din ni Puyat ang kahalagahan ng pag-restart sa turismo, lalo pa’t libu-libong mga tourism workers ang nawalan ng trabaho dahil sa mga ipinatutupad na restriksyon.

Dahil din aniya sa benepisyo ng mga pinairal na health and safety protocols at ang mga aral na natutunan sa halos isang taong lockdown, sinabi ni Puyat na mas madali na raw para sa sektor ng turismo na magbalik-operasyon.