-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Mismong si Dept of Tourism (DOT-12) OIC Regional Director Armin Hautea ang dumalo sa special meeting na ginanap sa sangguniang panlalawigan ng Cotabato Session Hall na pinangunahan naman ng SP Cotabato Committee on Education, Culture, and Sports sa pamumuno Board Member Ivy Dalumpines-Ballitoc kasama ang PGO-Public Affairs Assistance Tourism and Sports Development Division.

Layon ng aktibidad na alamin ang kasalukuyang estado o kalagayan ng turismo hindi lamang sa Lalawigan ng Cotabato kundi maging sa buong Region 12 o SOCSKSARGEN sa harap ng rin ng nararanasang pandemiya ng COVID-19.

Nakapaloob sa SP Resolution No. 1147 o Resolution to Conduct Inquiry in Aid of Legislation Regarding the State of Tourism in the Province of Cotabato ang pag-imbita sa DOT-12 at sabay na talakayin ang mga aksyon at inisyatiba na dapat gawin upang mapalakas muli ang turismo matapos na direktang maapektuhan ng pandemic.

Sa naturang pagkakataon ay nakapagbigay ng ulat ang ilang tourism offices gaya ng Kidapawan City kung saan sinabi na tanging mga residente ng lungsod lamang ang maaaring magtungo sa mga binuksang tourist spots o attraction.

Binigyang-diin din sa meeting ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocols para na rin sa kaligtasan ng mga bumibisita o mga turista.

Ilan sa mga madalas na puntahan ngayon ay ang mga tourist attractions sa mga bayan ng Alamada, Magpet at Matalam.

Sa kabila nito nananati namang sarado ang ibang tourism sites ng ibang bayan sa Cotabato upang makaiwas at mapigilan ang pagkalat ng sakit na COVID-19.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Hautea na mas maganda kung mauumpisahan na ang paggamit ng CCTS at QR code sa probinsya upang maging mas mabilis at mapadali ang pag-monitor sa mga turistang dumadayo sa lugar.

Pinaalalahanan din ni Hautea ang mga tourism officers na lalo pang pagbutihin ang kanilang gawain at patuloy na makipag-ugnayan sa DOT-12 sa mga hakbang na magpapalago sa industriya ng turismo ng probinsya.