Balak ngayon ng Department of Transportation (DOTr) na matapos ang kasulukyang binubuo pa rin na Common Stations na siyang magsisilbing interconnection ng LRT1, MRT3 at ng kasalukuyang ginagawang MRT7 sa loob ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, nagiging malaking perwisyo na sa mga motorista ang ginagawang common stations na kasalukuyang nagiging dahilan ng trapik sa ilang bahagi ng lansangan ng Metro Manila dahil sa ongoing construction nito.
Kailangan na umanong mapagdesisyunan at matuldukan ang pagbuo sa mga estasyon para mapabilis din ang pagbuo nito sa kasalukuyan.
Samantala, napansin naman ng kalihim na nakatengga lamang ang construction ng mga estasyon at kapansin-pansin din aniya na nakakalat lamang sa lansangan ang ilang mga bakal na ginagamit sa pagbuo nito.
Malaking abala din kung ituring ng kalihim ang mga nagiging delays sa pagtapos ng mga common stations hindi lamang sa mga motorista ngunit pati na rin sa mga commuters at pedestrians sa lugar.
Dahil sa mga ito ay dapat na umanong tapusin ang konstruksyon nito at madaliin ang pagbuo para sa ikakaginahawa ng lansangan sa mga bahagi kung saannagpapatuloy ang construction ng mga estasyon at maging malwan din para sa transportation system ng bansa.
Sa ngayon ay na-terminate na ng ahensya ang kanilang kontrata sa pagitan ng BF Corp. and Foresight Development and Surveying Co. (BFC-FDSC) na siyang contractor ng ginagawang estasyon dahil sa sobrang tagal ng usad at napakaraming delays sa pagbuo ng common stations na ito at patuloy na naghahanap ng bagong contractor na hahawak sa proyekto.
Sa kabilang banda pagtitiyak ni Dizon, hindi matetengga at papabilisin ng kanilang ahensya ang pagbuo ng mga estasyon para magamit at mapakinabangan ng mga commuters.