Hindi naniniwala ang Department of Transportation (DOTr) na muling nagbalik ang modus ng tanim-bala sa mga paliparan bunsod ng tatlong insidente na naitala ng ahensya sa magkakaibang petsa ngayong Marso.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, malinaw na ang tatlong insidenteng ito ang nagpapakita na malabong magbalik ang modus na ito sa ngayon.
Aniya, naniniwala rin siya na sa ilalim ng liderato ni Office of Transportation Security (OTS) Usec. Arthur Bisnar ay hindi mapapayagang maibalik ang mga ganitong klase ng modus sa mga pasahero sa kahit anong paliparan sa buong bansa.
Alam din kasi ng kalihim na hindi aniya papayagan ni Bisnar na magkaroon pang muli ng ganitong klase ng mga insidente lalo na’t prayoridad ngayong ng kanilang ahensya ang pagtupad sa kanilang mandato na siyang utos ng Pangulo.
Kaya naman sa mga nagtatangka umanong gawin ang mga ganitong bagay, payo ni Dizon, goodluck na lamang dahil paniguradog hindi ito papalampasin ng OTS.
Samantala, ang mga insidenteng ito ay wala umanong ipinapakitang indikasyon na maaaring magbalik ang tanimbala modus sa mga paliparan na siyang nangyari sa mga nakaraang taon.
Sa kabilang banda naman, hindi rin aniya nagiging kampante ang kanilang tanggapan tungkol sa isyu na ito.
Ani Dizon, patuloy na magbabantay ang kanilang tanggapan sa mga paliparan at lalong papaigtingin ang seguridad sa mga paliparan para maiwasan nang mangyari muli ang mga ganitong klase ng insidente.
Sa ngayon ay tiniyak ni Dizon ang publiko na mananatiling transparent ang kanilang opisina at magiging bukas na maiparating ang mga facts kasabay ng kanilang tuloy-tuloy na panawagang maging maingat at ipagbigay alam agad sa kanilang tanggapan ang mga insidenteng gaya nito.