Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang kritikal na pangangailangan para sa Department of Transportation (DOTr) na magkaroon ng maayos na koordinasyon sa mga pantalan, paliparan, at mga bus terrminal, kabilang na rin ang pagdaragdag ng mga tauhan upang umasiste sa mga pasahero at motorista kasunod ng pinalawig na holiday period.
Hinimok din ng Senador ang ahensya na tiyaking ligtas at walang problema sa paglalakbay ang mga pasahero ng transportasyong panlupa, pandagat, at panghimpapawid, lalo na sa inaasahang dagsa ng tao palabas ng Metro Manila.
Kung ikukumpara sa mga nagdaang araw ng mga kaluluwa at santo, inaasahang mas maraming Pilipino ang magbibiyahe sa iba’t ibang probinsya o tourist spots at sa ibang bansa ngayong taon para samantalahin ang pinahabang bakasyon dahil sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections hanggang sa All Saints Day at All Souls Day.
Pagdating sa mga airport, sinabi ni Gatchalian na kinakailangang magpatupad nang mahigpit na mga hakbang upang maiwasan ang nagdaang pagsabog ng bomba sa open parking ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 23.
Ayon sa report, naaresto na ang suspek sa naturang pagsabog na nakapinsala ng tatlong pribadong sasakyan. Dagdag ni Gatchalian, kabilang sa mga hakbang na dapat ipatupad ang mas mahigpit na security protocols, mas advanced na detection technologies, at mas pinahusay na safety measures para sa mga pasahero at mga tauhan ng mga airport.
Mas mahigpit rin, aniya, ang mga hakbang na dapat ipatupad sa mga seaport, kabilang ang tuloy-tuloy na maintenance ng mga sasakyang pandagat, pagkakaroon ng mga life-saving equipment, pati na ang mga well-trained na crew upang iwas aksidente.
Pagdating naman sa land travel, iginiit ng Senador na dapat tugunan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang karaniwang mga bottleneck ng sasakyan na nararanasan ng mga biyahero tuwing peak season. Kabilang dito ang mga inaasahang choke point sa kahabaan ng mga pangunahing toll road, tulad ng South Luzon Expressway at North Luzon Expressway.
Hinimok din nito na gumamit ng Radio-frequency identification (RFID) system para sa pagbabayad ng toll at i-pre-load ang kanilang mga account para sa mas maayos at mas maginhawang paglalakbay.