-- Advertisements --

Maaaring panagutin ng Department of Transportation ang mga indibidwal na nakiisa sa dalawang araw na tigil-pasada nang dahil sa mga ginawa nitong paglabag sa batas trapiko.

Ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista, tanging sa pagsasanhi lamang ng traffic congestion para sa mga biyahero at motorista naging matagumpay ang naturang transport strike.

Aniya, pag-aaralan ng kanilang kagawaran at iba pang ahensya ng gobyerno ang usaping ito upang mapanagot ang naturang mga indibidwal na kalahok sa nasabing tigil-pasada.

Hindi kasi aniya dapat na nagiging dahilan ng inconvenience sa publiko ang pagpoprotesta ng mga ito na bahagi ng kanilang pagtataguyod ng kanilang karapatan.

Kung maaalala, ang ikinasang dalawang araw na transport strike ng mga grupong PISTON at MANIBELA ay may kaugnayan pa rin sa kanilang pagtutol sa itinakdang deadline ng pamahalaan para sa consolidation ng mga jeepney drivers and operators na bahagi anila ng Public Utility Vehicle Modernization Program.