Inihahanda na ng Department of Transportation (DOTr) ang ilang mga hakbang/measures bilang preparasyon sa implementasyon ng modernisasyon sa mga pampublikong sasakyan sa susunod na taon.
Nakatakda kasi ang deadline ng konsolidasyon sa mga prankisa ng mga tradisyunal na jeepney sa Dec 31, at inaasahang libo-libong ang mawawalan ng linya, pagkatapos ng deadline o pagsapit ng January 2024.
Ayon sa DOTr, nagsasagawa na ng konsultasyon at pagpaplano ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Office of Transportation Cooperatives (OTC), at iba pang ahenisya ng pamahalaan para matugunan ang naturang problema.
Pangunahing konsiderasyon dito ng LTFRB, ayon sa DOTr, ay ang kapakanan ng mga commuter at pagtiyak na mayroon pa rin silang magagamit pagpasok ng 2024.
Pagtitiyak ng ahensiya na sapat ang volume ng mga pampublikong sasakyan, lalo na at marami ring humahabol na mga operators, tsuper, at mga transport group, bago pa man ang deadline ng consolidation ng mga prankisa.
Una nang iniulat ng LTFRB na hanggang 70% ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa ang matagumpay na naging bahagi ng mga kooperatiba at korporasyon na bahagi ng consolidation, habang nakabinbin na rin ang applikasyon ng libo-libong iba pa.