Iniurong ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapataw ng multa sa mga motoristang walang RFID stickers ganun din sa walang sapat na load sa mga toll gates.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista na imbes na sa Agosto 31 ay inilipat na lamang nila ito sa darating na Oktobre 1.
Dagdag pa ng kalihim na ang pagpapaliban ng pagpapatupad ng Joint Memorandum Circular No. 2024-001 ay para magkaroon ng mas maraming oras ang mga tollways na ipaalam sa mga tao ang bagong panuntunan.
Umaasa ang kalihim na sa panibagong 30 araw na palugit ay magkakaroon na ng sapat na impormasyon ang publiko at mabigyan sila ng pagkakataon na makapag-comply.
Nakasaad sa memorandum na ang mga papasok sa tollway na walang RFID ay pagbabayaran ng P1,000 sa first offense, P2,000 sa ikalawang offense at P5,000 sa mga susunod na offense.
Habang ang pagdaan ng walang sapat na load ang RFID ay magbabayad ng P500 sa unang paglabag, P1,000 sa ikalawang paglabag at P2,500 sa mga susunod na paglabag.
Paliwanag ni Toll Regulatory Board (TRB) spokesperson Julius Corpuz na ang nasabing hakbang ay bilang paglilipat na ng ahensiya sa cashless transactions na maaring masimulan na sa Oktubre.