Nagsanib pwersa ang Department of Transportation at Japan International Cooperation Agency upang isakatuparan ang adhikain na mas mapaghusay pa ang kalidad at sitwasyon ng transportasyon sa National Capital Region at sa mga kalapit na lugar.
Ito ay sa ilalim ng nilagdaan ng nasabing ahensya na isang kasunduan para sa proyektong ito, na tatakbo sa loob ng tatlong taon o siyang tatagal hanggang taong 2027.
Ayon kay Transport Secretary Jaime Bautista, ang proyektong nabanggit ay resulta ng masusing talakayan at pakikipagtulungan sa pagitan ng Department of Transportation at Japan International Cooperation Agency na may layuning subaybayan at tiyakin na may magandang sistema ng transportasyon sa nasabing lugar.
Isasakatuparan daw ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng epektibong pagpa-plano ng mga ruta, pagpapabuti sa mga PUV stops at intermodal hubs at marami pang iba.
Ang technical cooperation project (TCP) din daw ay hindi lamang pagpapabuti sa mga pampublikong transportasyon kundi magsisilbi rin itong gabay sa iba pang mga proyektong ilulunsad ng Department of Transportation sa hinaharap.