-- Advertisements --

Kinalampag ng isang mambabatas ang Department of Transportation para sa agarang pamamahagi ng P2.5 billion cash subsidy para sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon sa gitna ng panibagong serye ng oil price hike.

Sa isang statement, sinabi ni Makati city Cong. Luis Campos Jr na tumatayo ding vice chair ng House Commiittee on appropriations na ipagpalagay na aniyang nasunod ang mga kondisyon na magtri-trigger sa pagbibigay ng subsidiya wala na aniyang nakikitang dahilan para harangin ang pamamahagi ng cash aid.

Una na ngang tiniyak ng mambabatas sa mga tsuper ng public utility vehicle na mayroong inilaan ang pamahalaan na P2.5 billion sa ilalim ng 2024 general appropriations act bilang direct fuel subsidy para maibsan ang pasanin ng mga tsuper mula sa mataas na presyo ng gasolina at diesel.

Ipinunto din nito na pinaiksi na ng Kongreso ang trigger period para sa pagbibigay ng fuel subsidy para maibsan ang epekto nito sa PUV drivers gaya ng taxi, tricycle, full time ride-hailing at delivery service drivers.

Sa ilalim ng 2024 GAA, maaari ng bigyan ng fuel subsidy ang nasabing mga tsuper ng PUVs kapag ang presyo ng krudo sa Dubai ay pumalo sa $80 per barrel para sa 30 araw.