Inihahanda na ng Department of Transportation (DOTr) ang panuntunan sa implementasyon ng libreng pamasahe para sa mga estudyanteng sumasakay sa iba’t-ibang linya ng tren sa Metro Manila.
Sa isang press conference nitong hapon inanunsyo ni Transportation Sec. Arthur Tugade na tatapusin pa nila ang guidelines para sa libreng sakay ng mga mag-aaral sa bawat biyahe ng Light Rail Transit (LRT) Line 2, Metro Rail Transit (MRT-3) at Philippine National Railways (PNR).
Samantalang hindi kasali ang LRT-1 dahil isang private concessionaire ang may hawak sa operasyon nito.
Ani Tugade, nais ng kagawaran na maengganyo ang mga estudyanteng pumasok ng maaga para hindi na makadagdag sa siksikan tuwing rush hour.
“Gusto namin mabawasan yung gitgitan at peak hours. Alisin natin yung mga bata sa gitgitan. Ang kapalit, maaga sila pumasok.”
Sa ilalim ng panukala, libre ang pamasahe ng mga estudyanteng ba-biyahe mula Lunes hanggang Biyernes, maliban ang holidays:
*LRT-2: 4:30 to 6:00am, 3:30pm to 5:30pm
*MRT-3: 5:00am to 6:30am, 3:00pm to 4:30pm
*PNR: 5:00am to 6:00am, 3:00pm to 4:30pm
Ayon kay PNR general manager Jun Magno, ipapatupad nila ang “anti-cut off pass” sa mga estudyante para otomatiko ng ma-grant ang mga ito ng libreng pamasahe sa biyahe ng tren.
Ayon naman kay Tugade, gagawa pa sila ng online system kung saan magre-rehistro ang mga mag-aaral kaya simula July 1 ay dapat daw na ipresenta ng mga ito ang kanilang ID.
Bibigyan daw nila ng hiwalay na ID ang mga ito habang hindi pa operational ang National ID system.
CAAP, PPA: ‘TERMINAL FEES LIBRE NA RIN’
Bukod sa linya ng mga tren, ililibre na rin daw ng DOTr sa terminal fee ang mga estudyanteng magpa-park sa mga paliparan at pantalan.
Ito ang kinumpirma ng mga opisyal mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa 40-paliparan na kanilang ino-operate at Philippine Ports Authority (PPA).
“Patunay po ito ng patuloy na pagmamalasakit ng Kagawaran ng Transportasyon at ng mga kaugnay nitong ahensyang MRT-3, LRTA, PNR, CAAP at PPA, upang bigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino, gaya ng hangad ni Pangulong Rodrigo Duterte,” ayon sa DOTr.