Pinatitiyak ng Department of Transportation (DOTr) Maritime Sector sa mga pasahero na napoprotektahan ang kanilang mga karapatan, kasabay ng pagdagsaan ng mga ito sa mga pantalan at pwerto na magsisi-uwian sa kanilang mga probinsya.
Nais kasi ng DOTr Maritime Sector na maging magaan ang biyahe at karanasan ng mga mananakay ngayong holiday rush.
Ayon sa ahensiya, may karapatan ang bawat pasahero na dapat ay irespeto at sundin ng mga pampasaherong barko.
Kinabibilangan ito ng karapatan nilang humingi ng sapat na impormasyon sa oras ng biyahe, sapat na impormasyon at paliwanag kung nakansela ang biyahe, sapat na refund sa kanilang biniling ticket, at revalidation ng kanilang mga ticket, oras na nakansela ang biyahe.
Sa ilalim ng revalidation ng ticket, mayroong karapatan ang mga pasahero na makakuha ng mga serbisyo at accommodation kung kailangan. Ito ay habang naghihintay ang mga ito sa kanilang rescheduled na biyahe.
Para sa mga pasahero na hindi nakumpleto ang kanilang biyahe, karapatan ng mga ito na makakuha ng sapat na compensation, at transportasyon patungo sa kanilang destinasyon.
Pinatitiyak ng DOTr sa mga pasahero na napoprotektahan ang karapatan ng mga ito, kasabay ng kanilang mga biyahe pauwi ngayong panahon ng pasko.