Nagpaalala ang Department of Transportation Maritime Sector sa mga sea passenger sa kanilang mga karapatan sakali mang makansela, maantala o hindi nakumpleto ang kanilang biyahe pauwi sa kani-kanilang probinsiya kasabay ng Undas holidays.
Alinsunod sa Maritime Industry Authority (MARINA) Circular 2018-07, binigyang diin ng sektor na mayroong karapatan ang mga pasahero na maipaalam sa kanila at mai-refund o i-revalidate ang kanilang tickets.
Kapag ang mga pasahero ay piniling ma-revalidate o magkabisa ulit ang kanilang tickets, maaari nilang i-avail ang karapatan para sa amenities gaya ng snacks o meals at libreng accommodation, kung kinakailangan habang inaantay ang kanilang rescheduled trip.
Nilinaw din ng ahensiya na ang karapatan para sa kompensasyon ng sea passengers na nakansela o naantala ang biyahe ay maaari lamang i-apply kapag hindi practicable o hindi maisasagawa ng shipping operator ang pagbibigay ng libreng accommodation.
Samantala, ang mga pasahero naman na hindi nakumpleto ang biyahe ay may karapatan para sa impormasyon, amenities, kompensasyon gayundin may karapatang maihatid sa kanilang destinasyon.