Naglunsad ng isang website ang DOTr upang matulungan ang mga may-ari ng sasakyan na masubaybayan ang kanilang mga bagong plaka ng sasakyan at matugunan ang problema ng higit sa isang milyong unclaimed replacements na plaka.
Ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista, naghanda sila ng website na maaaring ma-access ng mga hindi pa nakakatanggap ng mga replacement plates at sa pamamagitan lamang ng pag-input ng kanilang plate number na malalaman nila kung nasaan ang mga ito.
Nauna rito, iniulat ng Commission on Audit (COA) na 1.79 milyong pares ng mga plaka na nagkakahalaga ng mahigit ₱800 milyon ang nananatiling hindi na-claim sa Land Transportation Office (LTO).
Ang mga replacement plates ay binayaran na ng mga may-ari ng sasakyan sa kanilang pag-renew ng pagpaparehistro ng sasakyan.
Binanggit ng COA na sa natitirang 2,561,629 na pares ng replacement plates, ang LTO ay gumawa lamang ng 764,514 na pares noong katapusan ng 2022.
Ayon kay Bautista, natapos na ng DOTr ang pag-upload ng impormasyon ng ilang lugar, kabilang ang National Capital Region-East, Caraga, at Cordillera Administrative Region.
Layunin ng DOTr na kumpletuhin ang pag-upload ng impormasyon ng lahat ng 1.7 milyong plaka sa loob lamang ng isang buwan.