Tiniyak ni Transportation Sec. Arthur Tugade na mas naghihigpit na ang seguridad sa iba’t ibang uri ng transportasyon sa bansa kasunod ng banta ng Wuhan coronavirus.
Sinabi ni Tugade, nakikipag-ugnayan ang Department of Transportation (DOTr) sa iba pang ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng safety measures at protocols sa iba’t ibang transport terminals sa bansa.
Ayon kay Sec. Tugade, ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay may sinusunod na procedures sa mga CAAP-operated airports at international gateways sa Puerto Princesa, General Santos, Zamboanga, Davao, Kalibo, Laoag, at Iloilo.
Naabisuhan na umano ang iba’t ibang airport frontline personnel na maging mas mapanuri sa mga dumadating na pasahero.
Ang Manila International Airport Authority (MIAA) ay may full coordination na rin daw sa Bureau of Quarantine para sa ilang safety protocols, kabilang na riyan ang pagkakaroon ng quarantine thermal screening.
Inihayag ni Sec. Tugade na Enero 23 nang suspendihin ng Civil Aviation Board (CAB) ang lahat ng air services operations sa pagitan ng Wuhan City at sa Kalibo, Aklan.
May pinasasagutan din na Health Declaration Checklist sa lahat ng mga pasahero at air crew members pagbaba ng eroplano para malaman ang level of exposure nila sa Wuhan coronavirus.
Sa maritime sector naman, mahigpit rin ang procedures sa mga pantalan, at namamahagi na rin ng face masks at sanitizers sa mga frontline employees.
Nagbaba na rin umano ang LTFRB ng kautusan sa mga PUV drivers at mga konduktor at maging ang mga personnel ng DOTr sa mga tren na magsuot ng face masks at gumamit ng hand sanitizers.
Dini-disinfect rin aniya ng DOTr ang mga tren at mga istasyon nito para matiyak ang kalinisan sa lugar.