-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nakahanap na ng pondo ang Department of Transportation (DOTr) para sa feasibility study sa napipintong muling pagbuhay ng Panay Railway System.

Sa katunuyan ayon kay Capt. Cesar Capellan, director at chief operations officer ng Panay Railways Incorporated, sinimulan na ang pag-aaral sa isinusulong na proyekto na mag-uugnay sa lahat ng mga probinsiya sa isla ng Panay.

Inihayag pa ni Capellan na ang isinasagawang mga feasibility study ay sagot sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ayusin ang public transportation system sa bansa.

Sa anim na proponents na nagpakita ng interes na magsagawa ng feasibility study ay nanalo dito ang Estra Philippines kung saan, anumang araw ay pupunta sila sa Iloilo para sa actual inspection.

Nauna ng inihayag ni Capellan na ang nasabing proyekto ay mangangailangan ng mahigit sa $1.5 billion para sa Phase 1 pa lamang na sasakop sa 117 kilometers ng railway tracks mula sa Iloilo City hanggang Roxas City.

Ang Phase 2 ay ang pag construct ng mga bagong riles na may rutang Roxas City papunta sa Kalibo hanggang Caticlan, Malay sa Aklan.

Habang sakop ng Phase 3 ang bagong railway route mula sa Caticlan, Malay papuntang San Jose, Antique at ang Phase 4 ay bagong ruta mula sa San Jose, Antique papuntang Iloilo City na dadaan ng San Joaquin at Miag-ao sa lalawigan ng Iloilo.