-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan ng Department of Transportation ang plano nitong pakikipagpulong sa transport group na Manibela dahil sa ikakasa nitong tatlong araw na transport strike.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon si Assistant Secretary for Road Transport and Non-Infrastructure Dioscoro “Jojo” Reyes, layon nang kanilang pakikipag diyalogo ay upang pag-usapan ang matagal nang hinaing ng grupo.

Sa ganitong paraan, naniniwala si Reyes na mapag-uusapan ng maayos ang mga usapin na magbibigay ng kaukulang proteksyon sa mga driver , operator at lalong lalo na sa mga mananakay.

Giit ng opisyal na mas mainam na idaan nalang sa maayos na usapan ang naturang usapin.

Sa kabila nito ay tiniyak ng DOTr, LTFRB at iba pang sangay ng pamahalaan ang kanilang mga contingency plan sakaling matuloy ang transport strike.

Layon nito na maasistehan ang pangangailangan ng mga maaapektuhang mananakay sa araw ng tigil pasada.

Magbibigay rin ang MMDA at mga lokal na pamahalaan ng mga libreng sakay.

Nabatid na magsisimula ang transport strike ng grupong Manibela mula Marso 24 hanggang Marso 26 ng taong ito.