-- Advertisements --

Patuloy na raw ang pakikipag-ugnayan ng Department of Transportation (DoTr) sa Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa pagpapatupad sa direktibang huwang munang palabasin ang ating mga kababayang hindi pa bakunado ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine.

Kasunod na rin ito ng pagsasailalim sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 3 status.

Pansamantala na rin kasing hindi pasasakayin sa public transportation ang mga unvaccinated persons, minors at mga seniors.

Ang direktiba ay base na rin sa resolusyon ng Metro Manila Council na inaprubahan ng local mayors.

Kasama na sa ipagbabawal sa mga hindi pa bakunado at mga menod de edad maging ng mga seniors ang land, sea at air public transport maliban na lamang kapag mayroon silang bibilhing essential goods at services.

Pero kailangan pa rin naman daw nilang magprisinta ng pruweba para maidepensa ang kanilang pagbiyahe.

Kabilang pa sa mga hindi pasasakayin sa public transport ang mga buntis at mayroong tinatawag na comorbidities kahit nabakunahan na ang mga ito.

Sa ngayon ang public transport ay nasa 70 percent capacity sa Metro Manila mula Enero 3 hanggang Enero 15, 2022 kasunod ng biglaang paglobo ng arawang kaso ng covid sa NCR.

Bukas ay ilalagay na rin sa Alert Level 3 ang Cavite, Bulacan at Rizal.

Nagbabala na rin ang DoTr na dapat ay sundin ang maximum capacity sa mga pampublikong sasakyan kundi ay haharap ang mga operators ng public utility vehicles (PUVs) ng multa at mai-impound pa ang kanilang mga sasakyan.

Posible ring maharap pa sa karagdagang criminal complaints ang mahuhuling driver na hindi susunod sa direktiba ng pamahalaan.