Nakipagdayalogo na ngayong araw ang Department of Transportation (DOTr) sa pangunguna ni Transportation Secretary Vince Dizon sa grupo ng Manibela para mapagusapan nang mabuti at mapakinggan ng ahensya ang panig ng grupo tungkol sa mga isyu at concerns sa nagpapatuloy na Public Transportation Modernization Program (PTMP).
Umikot ang talakayan sa naging pagkakasa ng tatlong araw na transport strike ng grupo noong Marso 24 hanggang 26 at maging sa hindi pagpayag na makapagparehistro ang kanilang mga tsuper at ginawa umanong colorum ang ilan sa mga pampasaherong jeepney.
Ani Manibela Chairperson Mar Valbuena, hindi naman kontra sa modernisasyon ang kanilang grupo ngunit marami kasing nakasaad sa programa na ito na hindi pumapanig sa mga bumabiyaheng tsuper sa mga lansangan.
Maayos naman na nakinig ang transportation agencies sa mga daing at hinaing ng grupo nang mabigyang linaw at paliwanag din ang mga ito ng ashensya.
Sagot ni Dizon, ang mga isyung ito at concerns ng grupo ay agad na hahanapan ng solusyon ng kanilang departamento para tuluyan nang maresolba ang mga isyung ito ng modernization program.
Aniya, ang susunod na hakbang naman na nais na gawin ng kanilang tanggapan ay magkaroon na ng sapat at tuloy-tuloy na komunikasyon sa pagitan ng mga grupo at ng mga transportation agencies para makapagpalitan na ng ideya para maayos na maipatupad ang implementasyon ng programa.
Sa ngayon ay patuloy na makikipagugnayan ang DOTr sa Manibela at maging sa iba pang transport groups para mapagaralan at mapakinggan ang lahat ng panig para maging iisa aniya ang direksyon ng implementasyon ng PTMP nang umabante na rin ang mismong programa.