Nakipagpulong si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at ilan pang opisyal mula sa ahensya sa mga lider at representantes ng transport groups ngayong araw, Marso 21.
Layon ng pagpupulong na talakayin ang mga concerns at isyu na sumesentro sa Public Transportation Modernization Program (PTMP) na siyang nagpapatuloy sa kasalukuyan.
Nauna na dito ay magsasagawa ng malawakang transport strike ang grupo ng Manibela para ipanawagan ang kanilang mga hinaing tungkol sa kasalukyang lagay ng PTMP.
Ayon sa kalihim, karapatan ng mga grupong ito gaya ng Manibela na iparinig sa gobyerno ang kanilang mga saloobin hinggil dito.
Sa kabilang banda, aniya, sa halip na magsagawa pa ng strike ay sana mapagusapan munang mabuti at upuan ang mga isyu at hinaing ng mga transport groups na ito para matiyak na hindi na maapektuhan pa ang mga commuters.
Maaari aniya sana na mas bigyang prayoridad ang maginhawa at maayos na commuting systme habang tinitiyak din ng kanilang ahensya ang welfare at karapatan ng mga drivers at operators.
Samantala, pagtitiyak naman ng DOTr sa publiko, binabantayang mabuti at naghahanda na ng mga contingencies ang kanilang ahensya para sa mga maapektuhan ng strike ngayong araw.