-- Advertisements --

Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) sa mga otoridad , transport sectors at local government na paigtingin ang kampanya sa tinatawag na COVID-19 smuggling.

Kasunod ito sa ulat na may mga cargo trucks ang nakakalusot sa ibang probinsiya na mula sa NCR-Plus bubbles na mayroong kargang mga tao na nais na umuwi sa kanilang mga probinsiya.

Sinabi ni DOTr Secretary Art Tugade na delikado ang nasabing hakbang dahil ito ay magreresulta sa paglobo ng kaso COVID-19 sa isang lugar.

Maliwanag aniya na isang paglabag sa health protocols at ito ay nararapat na matigil.

Pinayuhan nito ang PNP Highway Patrol Group, mga Local Government Unit, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Inter-Agency Council for Traffic na paigtingin ang kanilang operasyon.

Magugunitang nag-viral sa social media ang pagkakalusot ng isang cargo trucks sa isang checkpoint na ito ay may laman ng ilang individual bago lumipat ang mga ito sa nirentahang vans.

Pinatawag na ng LTO ang may-ari ng truck para pagpaliwanagin sa nasabing insidente.