Nagsisikap ang gobyerno na iligtas ang mga trabaho ng 49,000 Pilipinong marino na sakay ng mga European vessels at ang $7 bilyon na pinauuwi nila bawat taon.
Aypn kay Department of Transportation Secretary Jaime Bautista, sa loob ng ilang buwan o pagsapit ng Abril o Mayo 2023, ang European Commission (EC) ay magpapasya kung kikilalanin o hindi ang Philippine-issued Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW).
Ito ay mainit na issue mula pa noong nakalipas na 16 na taon dahil ang Pilipinas ay nabigo upang ganap na matugunan ang mga findings at observation ng European Maritime Safety Agency (EMSA).
Kung matatandaan, lumikha na ng inter-agency committee si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang isagawa ang napipintong aksyon ng European Commission sa pamamagitan ng European Maritime Safety Agency o EMSA.
Kabilang sa inter-agency panel ang Departments of Transportation, Migrant Workers, Labor, Foreign Affairs at Commission on Higher Education bukod sa Maritime Industry Authority (MARINA), isang attached agency ng Department of Transportation.
Kaugnay niyan, ang European Commission ang magpapasya kung babawiin o hindi ang pagkilala nito sa mga certificates ng Standards of Training, Certification and Watchkeeping na inilabas ng Pilipinas.
Una na rito, itinulak ni Bautista ang isang mas komprehensibong plano o template para matugunan ang mga natuklasan ng naturang ahensya at mga kaugnay na issues.