-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na hindi exempted ang Davao City sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pambansang pamahalaan.

Ito ay matapos lumabas ang mga ulat online, na nagsasabing hindi maaapektuhan ang mga jeepney sa Davao City ng modernization program.

Sa isang pahayag, sinabi ng departamento na sinisimulan nila ang isang bus-based public transportation system para sa Davao, na tinatawag na Davao Public Transport Modernization Project (DPTMP) na kilala rin bilang “DavaoBus.”

Ito ay hiwalay ngunit complimentary sa Public Utility Vehicle Modernization Program.

Ayon sa ahensya, kasama dito ang pagtatayo ng mga dedicaded bus lane, depot, at terminal sa rutang network na umaabot sa mahigit 600 kilometro.

Sinabi ng DOTr na ang DavaoBus Project ay gagamit ng mga modernong bus na nakasunod sa PUVMP.

Ang DavaoBus, na pinondohan ng Asian Development Bank, ay isang 672-kilometer project na may siyam na ruta na nag-uugnay sa mga makabuluhang rehiyon sa Davao City, Panabo City, at Davao del Norte.

Ang proyekto ay lilikha ng isang sistema ng transportasyon gamit ang environment-friendly na mga bus at modernized na mga sasakyan na may standardized operations at maaasahang mga bus schedules.