Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na hindi matatapos sa Disyembre 1 ang pagkakabit ng RFID sa mga sasakyan.
Kasabay pa rin ito ng implementasyon ng 100% cashless transaction sa mga expressway.
Sinabi ni DOTr ASec. Goddes Hope Libiran, magpapatuloy pa rin ang pagkakabit ng RFID stickers kahit matapos ang Disyembre, lalo na para sa mga first time toll users at mga bagong sasakyan.
Ayon kay Libiran, maaring magpakabit ng RFID stickers sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan gaya ng pagpapa-book online, walk-in sa mga installation sites o kaya naman ay sa designated lane bago pumasok sa toll gate.
Simula aniya sa Disyembre 1 hanggang Enero 11 ay magiging 24/7 ang kabitan ng RFID sa lahat ng mga toll lanes o mga booths malapit sa mga toll gates.
Iginiit pa ni Libiran na walang mangyayaring hulihan mula Disyembre 1 hanggang Enero 11, 2021 para sa mga sasakyang wala pang RFID.
Pagkatapos naman aniya ng Enero 11, hindi na lahat ng lanes sa toll gate ay gagawing stickering lane at sa halip ay magtatalaga na lamang ng isa o dalawang lane para sa mga nais magpakabit ng sticker.
Aniya, kailangang maglagay ang mga toll operator ng malalaking signages sa mga stickering lanes upang malaman ng mga motoristang wala pang RFID na doon sila dapat na pumila dahil kung hindi ay maaaring ma-tiketan ang mga ito sakaling pumila sa mga RFID ONLY lane lalo na kung sila ay magdudulot ng abala sa mga sasakyang nasa likuran nila.
Kung kulang naman aniya ang load at dumaan sa expressway, papayagang makadaan ang mga motorista habang nasa transition period o mula Disyembre 1 hanggang Enero 11.
Maaaring aniyang doon load-an sa mismong toll booth o kaya naman ay palampasin, patabibin, at load-an ng tauhan ng toll operator gamit ang top-up loading device.
Iginiit din ng DOTr na walang expiration ang load ng mga RFID.