Pinapabilis na ng Department of Transportation (DOTr) ang proposal na i-privatize ang Iloilo Airport, na nangangailangan ng agarang rehabilitasyon at redevelopment.
Ayon ito kay DOTr Secretary Vince Dizon kung saan aniya ay pinapalakas nila ang kasalukuyang public-private partnership (PPP) proposal na bahagi ng pagsusumikap ng administrasyong Marcos na mapabuti ang mga pangunahing imprastruktura ng transportasyon sa bansa.
Binanggit din ni Dizon na ang proposal ay mula sa Prime Asset Ventures Inc. (PAVI), isang subsidiary ng Villar Group, na isa sa tatlong kumpanyang nagbigay ng mga plano para i-rehabilitate at i-redevelop ang Iloilo Airport.
Nabatid na ang naturang paliparan ay nagsimula ng operasyon noong Hunyo 2007. Kaya’t kasalukuyang nakakatanggap ng mga kritisismo ukol sa mga lumang pasilidad nito.
Nagkakahalaga naman ng higit sa P20 billion ang nautrang proposal ng pribadong kumpanya at inaasahang matatapos ngayong taon.
Samantala ang public-private partnership proposal naman ay nasa ilalim pa ng pag-proseso na ayon sa DOTr mayroong P190 million na pondo ang inilalaan ngayong taon ng gobyerno para sa mga unang pagsasaayos sa terminal building ng Iloilo Airport.
Sa ilalim ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), saklaw nito ang pagsasaayos sa mga air-conditioning unit, escalator, mga upuan ng pasahero, at mga palikuran.