Pinapatiyak ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista ang mabilis at maayos na pagdaan ng mga produkto at mga kargamento sa mga pantalan sa buong bansa.
Inaatasan ng kalihim ang Philippine Ports Authority (PPA) na tiyakin ang mabilis na pag-usad ng mga produkto mula sa mga pwerto patungo sa mga destinasyon upang mas magaan ang pagdaloy ng mga produkto at hindi rin naiimbak sa mga pantalan.
Ayon sa kalihim, malaki ang maitutulong ng modernisasyon sa mga pantalan upang mapabilis ang pagdadala ng mga produkto.
Sa pamamagitan nito aniya ay napapababa rin ang logistics cost na nakakatulong para mamentine ang mababa ring presyo ng mga produktong kailangang idaan sa mga pantalan.
Giit ng kalihim na ang mabilisang paghahatid ng mga produkto sa mga merkado ay tiyak na makakatulong sa pag-stabilize ng presyuhan saan man dalhin ang mga naturang produkto.
Noong 2023, nagawa ng PPA na makapagpasok ng P5 billion sa government cash dividend. Mas mataas ito ng 50% kumpara sa nagawa nitong ipasok noong nakalipas na 2022.