ILOILO CITY – Hinihintay pa ng Maritime Industry Authority ang official advisory mula sa Department of Transportation hinggil sa paglagay ng canvas sa mga pump boat na may byahe Iloilo-Guimaras vice versa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Engr. Jose Venancio Vero, regional director ng Maritime Industry Authority 6, sinabi nito na sa ngayon, hindi pa muna papayagan ang paglagay ng canvas sa pump boats.
Ayon kay Vero, nakatanggap siya ng inisyal na impormasyon na si Department of Transportation Sec. Arthur Tugade mismo ang nagbigay ng pahintulot na ibalik sa dati ang sitwasyon ng pagbyahe ng pump boat.
Sa pamamagitan ng advisory ayon kay Vero, maipaalam sa publiko ang mga alituntunin.
Ang height ng canvas ay 1.8 meters, ang length ay 50% ng pump boat, ang width ay dapat 80% ng width ng pump boat at ang angle ng deflection ay dapat nasa 15 degrees mula sa horizontal line.
Ang mga pasahero ay dapat nakasuot ng life jacket, 75% passenger capacity, sunrise to sunset ang operations at dapat mayroong radio distress signal o communications ang bawat pump boat.