Layon ngayon ng Department of Transportation (DOTr) na bawiin ang kontrata ng gobyerno sa pribadong kontraktor nito na responsable sa naantalang konstruksyon ng Unified Grand Central Station sa Metro Manila.
Layunin sana ng naturang proyekto na pagdugtungin ang LRT-1, MRT-3, at MRT-7, pati na ang Metro Manila Subway kung saan ay naharap sa matinding pagkaantala.
Matapos ang ginanap na inspection sa mga Common Station na naantala sa konstruksyon mula pa noong Agosto 2024, kinumpirma ni Transport Secretary Vince Dizon na balak na ng DOTr na tapusin ang kontrata sa BF Corp., ang pribadong kompanyang responsable sa mga proyekto.
Ang BF Corp. ay itinatag ng yumaong Alkalde ng Marikina na si Bayani Fernando.
Noong Pebrero 2019, sinabi ng DOTr na magbubukas ang Common Station sa 2022. Ngunit dahil sa mga lockdown dulot ng pandemya ng COVID-19, inilipat ang petsa ng pagbubukas sa Mayo 2023.
Sa kabila ng mga pagsisikap na mapabilis ang proyekto, nanatiling hindi pa nasisimulan ang konstruksyon ng mga istasyon ng tren.