-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na kanilang pinag-aralan na gawing international airports ang mga paliparan ng Laoag, Kalibo at Cotabato.

Ito ay matapos na mai-award ng DOTr sa Urban Integrated Consultation Inc. na isang engineering firm sa Quezon City ang tatlong consultancy service contracts na nagkakahalaga ng P143.3 milyon.

Sila ang maghahanda ng mga master plan para sa tatlong paliparan na kinabibilangan ang analysis ng aviation market at economic feasibility ng nasabing proyekto.

Magsasagawa rin ang nasabing kumpanya ng pagkuwenta ng gagastusin gaya ng construction, operations at pagbili ng mga equipment ng nasabing proyekto.

Una rito ay nakatanggap ng kabuuang P12 bilyon na pondo ang DOTr para sa pagsagawa at pagpapalawig ng mga kapasidad ng mga paliparan sa labas ng Metro Manila.

Karamihan sa pondo nito ay mapupunta sa New Dumaguete Airport Development project na nagkakahalaga ng P6.1-B, Tacloban Airport P2.3-B, Busuanga Airport (P1-B), Laoag International Airport (P750-M) at Iloilo Airport na nagkakahalaga ng P645-M.