Itinanggi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na na nanggaling sa Manila International Airport Authority ang kumalat na larawan ni VP Sara Duterte na kung saan ay papalabas ito ng bansa patungong Germany.
Matatandaang umani ito ng ibat-ibang reaction online dahil nataon na may bagyong Carina sa bansa ang byahe ng bise.
Ayon kay Bautista, hindi ito nanggaling sa kuha ng CCTV sa naturang paliparan.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos sabihin ni Duterte nitong Miyerkules na dapat pagsikapan ng mga opisyal ng paliparan na makamit ang isang world-class na pasilidad na nagpapahalaga sa seguridad at privacy ng lahat ng pasahero, lalo na sa mga bata.
Una nang sinabi ni VP Sara na ang mga opisyal ng paliparan ngayon sa bansa ay tila ba walang pakialam sa security threats at hindi rin nagsagawa ng kaukulang imbestigasyon hinggil sa isyu.
Kasabay ng pananalasa ng Super Typhoon Carina at Habagat, tatlong linggo na ang nakararaan, nakunan ng larawan si Duterte sa paliparan na paalis ng bansa para sa isang personal na biyahe kasama ang kanyang pamilya sa ibang bansa.
Nagpaliwanag rin ang Office of the Vice President at sinabing nagkataon lamang ang biyahe ng bise at bago paman tumama ang bagyo ay nakakuha na ito ng travel authority na inisyu noong July 9,2024.