KALIBO, Aklan—Ininspeksyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang nagpapatuloy na expansion project ng Kalibo International Airport (KIA) sa lalawigan ng Aklan.
Kasama sina Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco at ilan pang DOTr officials ay nilibot ni Sec. Tugade ang site development sa bagong apron, taxiway, passenger terminal building, vehicle parking area, at airport access road.
Nasa 98% nang kumpleto ang passenger terminal building at inaasahang bago matapos ang taon ay magiging operational na ito habang ang iba pang development project sa KIA ay inaasahang matatapos sa July 2021.
Samantala, sinabi naman ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr. na nakatanggap ang kaniyang opisina ng proposal mula sa mga airline companies na humihiling na dagdagan ang kanilang scheduled flight.
Kasunod ito sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga uuwing Locally Stranded Individuals (LSIs), Authorized Person Outside Residence (APOR) at Returning Overseas Filipino (ROF’s) na dadaan sa nasabing paliparan.
Sa kasalukuyan, limang flights bawat linggo ang pinayagan muna batay sa inilabas na Executive Order ni Aklan Governor Florencio Miraflores.