Inihayag ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na sapat ang mga nag-ooperate na Public Utility Vehicles sa Metro Manila, mahigit isang buwan matapos ang deadline ng consolidation.
Ani Bautista, 80% ng mga operator at driver ng PUV ay sumali sa mga kooperatiba bilang bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP), batay sa ulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi rin ni Bautista na ang kagawaran ng transportasyon, ang LTFRB, at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ay nagtutulungan sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP).
Kasabay nito, tiniyak niya na sa pagtatapos ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP), magiging makabuluhan at pangmatagalan na ang mga ruta at ibig sabihin umano nito ay pwede ng mag invest sa modernong sasakyan.
Ang LPTRP ay nagpapakita ng detailed route network, mode, at required number ng PUVs bawat mode para sa pagbibigay ng land transport service, na siyang minimum na kinakailangan para sa paglalabas naman ng mga prangkisa ng PUV.
Patuloy ang LTFRB sa panghuhuli ng mga unconsolidated PUVs matapos na mawala ang kanilang prangkisa noong April 30, deadline ng pagpapakonsolida.
Naunang sinabi ni Bautista na magkakaroon ng mas epektibong pamamahala at dispatch system ng PUVs kung sila ay magpapa-consolidate.
Gayunpaman, may ilang grupo na tutol sa PUVMP dahil ito umano ay humahadlang sa kanilang kabuhayan.