-- Advertisements --

Inanunsyo ni Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran ngayong araw ang kanyang pagbibitiw sa kanyang puwesto, dahil sa mga personal na dahilan.

Sinabi ni Libiran na ang nakalipas na tatlong buwan ng kanyang buhay ay naging mahirap, kung saan ang kanyang pamilya ay nahawaan ng COVID-19 at naging biktima pa ng pagnanakaw.

Aniya, aalis siya hindi dahil sasali sa anumang kampanya, o dahil hindi na niya mahal ang kaniyang trabaho.

Aalis daw siya dahil napagdesisyunan na unahin ang kaniyang pamilya at maging ina sa kaniyang nag-iisang anak na halos isang taon pa lang noong pumasok siya sa DOTr.

Nagbigay pugay din si Libiran sa kanyang amo na si Secretary Arthur Tugade, na aniya’y walang humpay na itinuloy ang bawat naiisip na proyekto, programa o inisyatiba na magpapahusay sa sistema ng pampublikong transportasyon sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Nagpasalamat din siya kay Pangulong Rodrigo Duterte “sa pagbibigay sa kanila ng inspirasyon, at sa pagpayag ni Secretary Tugade at ng DOTr na umunlad at palawigin ang lahat ng pagkakataon sa pagtupad sa kanyang mandato na bigyan ang mga Pilipino ng mas komportableng buhay.”